Ang Pandemya at ang Katapatan ng Diyos

A Devotional by Pastor Emmanuel Ilagan


Isang tanghali may isang matandang lalaki ang napaupo na lamang sa bangketa sa may bus stop at napaiyak.  Nang tanungin ng mga tao sa paligid kung bakit, ang sagot ng matanda ay “Nagugutom ako.  Wala akong pambili ng pagkain.”  Ang ginawa ng isang tao ay ibinigay sa matanda ang kanyang baon.  Nagpasalamat ang matanda.

Isang 10 taong gulang na batang lalaki ang nag-aalaala kung paano siya makapag-aaral sa pasukan kapag naging “on-line” ang pagtuturo.  Wala silang computer at wala ring internet sa kanilang lugar.

Isang lalaki na dating jeepney driver ang hindi makapasada dahil sa binawalan ang mga jeepney na pumasada.  Tumayo na lamang siya sa bangketa at namalimos sa mga dumaraang sasakyan.

Isang dating mataas na opisyal ng pamahalaan at ang kanyang asawa ay tinamaan ng Covid virus.  Pareho silang na-ospital.  Nag-survive ang babae subali’t namatay ang lalaki.  Ang huling pagkikita nila ay nang ipasok sila sa ospital; wala nang paalaman sa isa’t isa.

Walang katiyakan kung kailan matatapos ang matinding pasakit na ito; tila ba isang makapal na ulap ang bumabalot sa atin at di natin makita ang liwanag sa kabila ng ulap na ito.

 

Nalugmok na Sangnilikha (Fallen Creation)

Tayo ay napapaloob sa sangnilikha na nalugmok sa pagkariwara.  Sa simula ang buong sangnilikha na ginawa ng Diyos ay mabuti (Gen. 1:25b). Subalit pinili ng tao na sundin ang kanyang sariling kalooban at talikuran ang utos ng Diyos. Dahil dito ay naglaho ang kaayusan ng buhay ng tao, ng kalikasan, at lahat ng bagay sa buong mundo (Genesis 3:17b – 19; 23).

Ang mga Israelita – ang piniling lipi ng Diyos – ay dumaan din sa matinding kahirapan at pasakit nang salakayin ng mga Babylonian ang Jerusalem noong 587 B.C. Nawasak at nilapastangan ang templo, natigil ang mga pagsamba doon, at dumanas ng matinding kahirapang pisikal at emosyonal ang mga Judio. Sa panahong ito naisulat ang Mga Panaghoy o Lamentations na naglalaman ng paghihirap ng mga Israelita.  Narito ang ilan sa kanilang naranasan:

  • “Nakahandusay sa mga lansangan ang mga bata at ang mga sanggol. Nag-iiyakan sila at patuloy na humihingi ng pagkain at inumin.”

(Mga Panaghoy 2:11b-12a)

  • “Naghambalang sa mga lansangan ang patay, bata’t matanda, dalaga’t binata”.

    (Mga Panaghoy 2:21a).

 

  • “Upang ang ina ay may makain, kanilang supling ang siyang isinaing.”

    (Mga Panaghoy 4:10b).

 

Maaasahan ang Katapatan ng Panginoon

 Sa kabila ng mapait na karanasang ito ay naroroon pa rin ang pananalig at pag-asa ng may-akda ng Mga Panaghoy sa katapatan ng Panginoong Diyos:

 

   “Lagi ko itong naaalaala, at ako’y labis na napipighati.

     Gayunma’y nanunumbalik ang aking pag-asa kapag naalala kong:

       Pag-ibig mo, Yahweh, ay hindi nagmamaliw; kahabagan mo’y walang

     kapantay.
     Ito ay laging sariwa bawat umaga; katapatan mo’y napakadakila.
     Si Yahweh ay akin, sa kanya ako magtitiwala.”  (Mga Panaghoy 3:20-24)

     (Lahat ng mga talata mula sa Magandang Balita Bibliya)

 

Pamilyar tayo sa magandang imno na nalikha mula sa mga talatang ito:  “Tunay Kang Matapat” o “Great Is Thy Faithfulness” (Thomas Chisholm).  Mensahe ng imnong ito ang pag-asa at pananalig na sa kabila ng matinding mga pasakit at kahirapan, walang pagbabago ang katapatan at pag-ibig ng Diyos sa Kanyang mga anak.  Ang Diyos na ibinigay ang Kanyang tanging Anak na si Jesus upang iligtas ang sangkatauhan mula sa kasalanan, kamatayan, Diyablo at impiyerno ang siya ring nag-aalaga sa mga taong na kay Cristo.

 

Tulad ng sinabi ni San Pablo, walang makapaghihiwalay sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob Niya sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon (Rom. 8:37-39).

 

Ama naming Diyos, mahabag Ka sa amin.  Saklolohan Mo kami at pangalagaan sa panahon ng pandemyang ito. Tulungan Mo kami na manatili sa tunay na pananampalataya sa Iyo at sa Iyong katapatan sa gitna ng aming paghihirap na ito. Sa pangalan ni Jesus, Amen.